Magandang umaga sa inyong lahat.
Isang malugod na pagbati ang taos-puso kong ipinaaabot sa lahat ng mga mag-aaral, magulang at guro na nandito ngayon. Ikinagagalak kong maging bahagi ng okasyong ito sapagkat ang pagdiriwang na ito ay isang pagpapatunay na may tagumpay na naghihintay sa lahat ng nagsisikap. Sa mga magagaling na estudyanteng nasa harap ko ngayon, sulit na sulit ang inyong paggising nang maaga halos araw-araw para pumasok. Sulit na sulit ang maraming oras na nilaan ninyo sa pagbabasa ng inyong mga aralin at paggawa ng mga proyekto. Sulit na sulit ang inyong pagsisikap sapagkat ngayon, kikilalanin kayo at ang inyong kapuri-puring galing at talino.
Ngunit bakit nga ba ganoon na lamang ang inyong kagustuhang pagbutihin ang inyong pag-aaral? Bakit kailangang mag-aral at gumawa ng mga takdang-aralin samantalang mas masayang magbabad sa Facebook o Twitter? Bakit kailangang pumasok araw-araw samantalang mas nakakalibang maglaro ng Tetris o di kaya’y mag-Temple Run?
Sa isang banda, bakit nga ba ganoon na lamang ang pagpapahalaga ng ating pamahalaan sa edukasyon? Bakit ganoon na lamang ang tiyaga ng mga guro na ibahagi sa inyo ang karunungan at hasain ang inyong mga kakayahan?
Alam kong batid ninyo na ang edukasyon ay mahalagang kasangkapan para sa katuparan ng inyong mga pangarap. Alam kong nais ninyong maging maganda ang inyong kinabukasan at ang kasalukuyan ang magiging sandigan nito. Sabi nga ni Pope John Paul II, “The future starts today, not tomorrow.” Kung kaya’t ang pagsisikap para sa katuparan ng pangarap ay kailangang simulan na ngayon.
Maganda ang magkaroon ng pangarap sa buhay. Nagkakaroon ng direksyon ang taong may pangarap. Nagkakaroon ng dahilan ang bawat hakbang na ginagawa niya sa kasalukuyan. Nagiging malinaw sa kanya ang landas na dapat tahakin.
Alam kong ang bawat isa sa inyo ay may kanya-kanyang pangarap na gustong makamtan. Marahil, marami sa inyo ang nagnanais maging duktor, abogado, guro, inhinyero, atbp. Sa sipag at galing na inyong ipinapakita ngayon pa lang, hindi malayong inyong maabot ang inyong mga gusto sa buhay.
Ngunit ang pangarap ay maaaring hindi lamang pansarili. Ang isang pamilya ay maaring magkaroon ng iisang pangarap o hangarin. Gayun din ang isang pamayanan. Gayun din ang isang bansa. Hinihiling ko na ngayon pa lang, maging mas malawak ang inyong kamalayan. Lahat tayo ay bahagi ng isang kabuuan at ito ay ang sambayanang Pilipino kung kaya’t hinihikayat ko kayong magsikap hindi lamang upang mapaunlad ang inyong mga sariling buhay kungdi pati na rin ang inyong pamayanan at ang ating bayan.
Ang ating bawat gawain, maliit man o malaki, masama man o mabuti, ay nakaaapekto hindi lamang sa ating mga sarili kungdi pati na rin sa ating lipunan. Walang pinipiling edad o estado sa buhay ang kagustuhang makatulong sa pagpapaunlad at pagpapabuti ng ating bansa at ito ang nais kong isapuso ninyo. Ngunit ano nga ba ang maaaring gawin ng mga batang katulad ninyo? Paano kayo makatutulong sa pagpapaunlad ng ating bansa?
Sa tahanan at paaralan, binabahagi sa inyo hindi lamang ang karunungan kungdi ang mabuting pag-uugali at tamang disiplina. Isabuhay ninyo ang mga ito ngayon pa lang. Igalang ang mga nakatatanda. Makinig sa payo ng inyong mga magulang. Maging tapat sa inyong mga pakikitungo. Itapon ang basura sa tamang lugar. Matutong pumila. Sumunod sa batas trapiko. Kapag sinabing “bawal tumawid, nakamamatay” o “bawal tumawid, may namatay na rito,” totoo ‘yun. ‘Wag nang mapilit. May tamang tawiran naman. Sumunod sa mga alituntunin ng inyong paaralan at pamayanan. Ang mga ito, at marami pang iba, ay kayang-kaya nyo nang gawin ngayon pa lang. Tandaan ninyo, simple mang pakinggan, ngunit ang pagiging disiplinado at mabuting anak, estudyante, at mamamayan ay makatutulong nang malaki sa pagpapaunlad ng ating bansa.
Mahalagang simulan na ninyo ang pagsabuhay ng magandang pag-uugali at tamang disiplina ngayon pa lang upang ang mga ito ay inyong dalhin sa paglaki, kung kailan mas marami at mas malaki na inyong papel sa lipunan. Alalahanin ninyo, kayo at wala nang iba pa, ang tagapagmana ng ating dakilang bansa. Alalahanin ninyo na kayo ang pag-asa ng ating bayan.
Hindi nyo mamamalayan, matatapos kayo sa inyong pag-aaral. Marahil, ang batch na ito ay magbunga ng magagaling na duktor, abogado, guro, inhinyero, senador, o maging Pangulo. Pagdating ng panahon, panalangin kong gagamitin ninyo ang karunungan at kasanayan upang tulungan, hindi lamang ang inyong mga sarili, kungdi ang ating bansa. Sa inyong mapipiling propesyon, nawa’y mangibabaw ang kagustuhang pagsilbihan at tulungan ang ating kapwa Pilipino lalung-lalo na ang mga kapos-palad sa abot ng inyong makakaya. Nawa’y maging tapat kayo sa inyong magiging tungkulin at maging handa sa lahat ng suliranin na inyong haharapin. Higit sa lahat, panalangin ko na maging matatag kayo laban sa maraming tukso, lalung-lalo na ang tukso ng karangyaan at kapangyarihan. Umaasa ako na, pagdating ng panahon, taglay pa rin ninyo ang mabuting pag-uugali at tamang disiplina upang maging madali ang pagtahak ng tuwid na daan tungo sa wastong pamumuhay at mas maunlad na Pilipinas.
Kayganda siguro ng Pilipinas, pagdating ng panahon.
Kaya’t patuloy ninyong sikaping maging mabuti at kapaki-pakinabang sa tahanan, paaralan, pamayanan, at bansa. Patuloy ninyong pagbutihin ang inyong pag-aaral. Give your best in everything that you do. Strive for excellence. Lagi ninyong iisipin, biniyayaan kayo ng kakaibang galing at talino kaya’t hindi pwede ang pwede na. Kailangang galingan at maaasahan ninyo, maganda ang kinabukasang naghihintay. At habang ginagawa ninyo ang mga ito, maaasahan ninyo na nandito kami, ang inyong mga magulang at mga guro, upang tulungan, gabayan at mahalin kayo.
Sa ngayon, celebrate with your family and enjoy your vacation. Don’t forget to thank your teachers and parents for the love and support they have given you. More importantly, don't forget to thank God and offer all these for His greater glory. Again, congratulations and good morning.
No comments:
Post a Comment
I would love to hear from you! :)